Isinusulong ngayon ng Senate agriculture, food and agrarian committee ang pagbuo ng isang Anti-Smuggling Task Force para maprotektahan hindi lamang ang industriya ng sibuyas kundi ang buong sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Kabilang din sa isinusulong ni Committee chairman Senator Cynthia Villar ang paglikha ng isang special court para sa pagdinig sa mga kaso ng economic sabotage kalakip ang pagkakaroon ng special team of prosecutors na tututok sa kaso.
Ito ay kasunod ng iprinisentang committee report ni Sen. Villar sa plenaryo ng Senado kaugnay sa isyu ng tumataas na presyo ng sibuyas sa merkado.
Kabilang sa iprinisentang report ang pangangailangan na maamyendahan ang Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 para maisama ang profiteering, hoarding at smuggling sa listahan ng mga krimeng may kaugnayan sa economic sabotage.
Inihayag din ni Villar na sa pamamagitan ng planong Anti-Agricultural Smuggling Task Force at Anti-Agricultural Smuggling Court, magkakaroon aniya ng watchdog sa sektor ng agrikultura para matiyak na sinumang magmamanipula ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura na madudulot ng epekto sa maliliit na magsasaka at mamimili ay papanagutin sa batas.