-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Mariing tinututulan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boracay Island Development Authority o BIDA bill sa ilalim ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCC).

Sinabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa ginanap na press conference ng partidong “Tibyog Akean” sa provincial capitol na nakausap mismo nito ang pangulo.

Hiningi umano ng gobernador ang reaksiyon ng punong ehekutibo hinggil sa isinusulong na BIDA-GOCC.

Dito umano tahasang sinabi ng pangulo na “unconstitutional” o labag sa batas ang nasabing panukala at iginiit na kaniya itong tinututulan.

Matatandaang aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang BIDA-GOCC kung saan nakatakda na sana itong talakayin ng Senado.