Sisimulan na ngayong araw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbuo sa implementing rules and regulations (IRR) para sa Republic Act 11996, o mas kilala bilang Eddie Garcia law.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, sasabayan ito ng mga serye ng konsultasyon.
Nakatakda aniya ang unang konsultasyon sa employer’s sector sa Agusto 13, 2024 habang ang konsultasyon sa mga miyembro ng Movie and Television Industry Tripartite Council ay nakatakda sa Agosto 16, 2024.
Una nang nanumpa ang mga miyembro ng naturang konseho noong araw ng Lunes.
Ang naturang konseho ang magsisilbi bilang pangunahing forum para sa mga tripartite consultation kasama ang mga stakeholder sa movie at television industry.
Una nang pinirmahan ni PBBM ang naturang batas noong buwan ng Mayo upang maprotektahan ang kapakanan ng lahat ng mga manggagawa sa ilalim ng industriya ng pelikula, anuman ang kanilang estado.
Tiniyak naman ng DOLE ang suporta nito sa naturang industriya, kasabay ng pagsiguro sa patuloy na pag-unlad at pagpapalakas sa kakayahan, skills, at kapakanan ng mga manggagawa dito.