DAGUPAN CITY – Nanindigan si Pangasinan 4th District Rep.-elect Cristopher “Toff” De Venecia na matagal ng handa ang bansang Pilipinas na magkaroon sariling space agency.
Ayon kay De Venecia, mahigit 50 taon na ring may interes ang pamahalaan sa larangan ng space science and technology kung kaya’t dapat na talaga umanong maisabatas ang Philippine Space Agency (PhilSA) na kanilang inilulunsad.
Sa kabila naman ng kawalan ng isang central space agency, inihayag ni De Venecia na nagawa pa rin ng bansa na paunlarin ang space science.
Isang halimbawa na lamang umano nito ay ang unang nailunsad ng microsatellite na Diwata 1 at Diwata 2 kung saan kaya nitong kunan ng mga imahe ang mundo para sa mga environmental assessments.
Tutulong din ito upang subaybayan ang maaring maging pinsala ng mga paparating na sakuna tulad ng bagyo.
Ito umano ang nag-udyok kay De Venecia na isulong ang pagtatatag ang Philippine Space Agency lalo na’t isa ang Pilipinas sa apat na bansa sa Southeast Asia na kinabibilangan ng Brunei, Cambodia at Laos ang wala pang sariling space agency.