Nagpulong ang kampo ni presumptive president Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ngayong araw para sa bubuuing transition team para sa paghahanda sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez , spokesperson ni presumptive President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na may mga naiisip na si Marcos na bubuo ng kaniyang Gabinete subalit ayaw muna aniya itong pangunahan dahil katatapos lamang ng eleksiyon noong araw ng Lunes.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ni Marcos Jr., na sa ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang pag-aantay sa opisyal na magiging resulta ng halalan.
Ayon pa kay Rodriguez, aantayin nila ang May 23 para sa opisyal na pagbibilang ng vote counts para sa mahahalal na pangulo at ikalawang pangulo ng bansa at umaasang maidedeklara ng mas maaaga dahil nananatiling nangunguna si Marcos sa presidential race kung saan humigit kumulang na sa 31 million Pilipino ang bumoto para sa Marcos-Duterte tandem base sa partial and unofficial results.