-- Advertisements --

Umarangkada na ngayong araw, Agosto 13, ang pagtalakay sa panukalang pambansang pondo para sa 2025 sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Pinangunahan ni Senate Committee on Finance Chairman Senadora Grace Poe ang diskusyon sa panukalang P6.352 trillion national budget para sa susunod na taon.

Present sa DBCC briefing ang mga opisyal mula sa Department of Budget and Management, Department of Finance, National Economic and Development Authority, Office of the President, at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sinabi ni Senadora Poe na kanilang titiyakin ang transparency, accountability, at prudent o makatwirang paggamit ng resources ng pamahalaan. 

Una nang inanunsyo ni Poe na ang pagbusisi sa proposed national budget ay aabutin hanggang Oktubre 18. 

Aniya, plano nilang isumite ang committee report ng 2025 national budget at maaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa unang linggo ng Disyembre. 

Una nang tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na  tanging ang mga ahensya lamang na nangangailangan ng confidential at intelligence funds ang bibigyan nito.

Dahil election budget ang bubusisiing pondo, titiyakin aniya nila na hindi magagamit ito sa kampanya ng mga kandidato.

May batas at Comelec regulation na rin aniya ang nakalatag para maiwasang magamit ang pondo ng gobyerno sa kampanya ng sinumang kandidato.