Nakiisa na rin ang human rights group na Amnesty International na nananawagan sa pamahalaan na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala si Amnesty International Philippines Director Butch Olano kaugnay sa umano’y maling paggamit ng Anti-terror law at red tagging.
Aniya, ginagamit umano ang mga ito para iugnay ang mga mamamahayag at human rights advocates sa komunistang rebelde.
Sinabi din ni Olano na noong Marso, ti-nag ng NTF-ELCAC ang human rights groups na Karapatan at Philipine Alliance of Human Rights Advocates.
Binigyang diin pa ng grupo na kanilang sinususugan ang nauna ng panawagan ni UN Special Rapporteur for Freedom of Opinion and Expression Irene Khan na buwagin na ang nasabing task force.
Matatandaan na sa pagbisita ni Khan sa bansa noong Pebrero, hiniling ng UN Rapporteur na buwagin ang NTF-ELCAC dahil outdated na umano ito dahil hindi nito isinaalang-alang ang nagpapatuloy na hangarin para sa mapayapang negosasyon.
Subalit ipinaliwanag naman ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na hindi nararapat sa panahon ngayon na buwagin ang NTF-ELCAC dahil sa ilang pangyayari gaya ng pagkapanalo ng pamahalaan labana sa NPA at exploratory peace talks sa Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Una na ngang itinatag ang NTF-ELCAC noong Disyembre 2018 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hangaring waksan ang local armed communist conflict sa bansa.
Simula noon, makailang inakusahan ang task force ng red-tagging sa mga indibidwal at grupo.