Tutol si Health Sec. Francisco Duque III sa ideya na kailangan nang buwagin ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ginawa ni Duque ang naturang pahayag sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap ng PhilHealth hinggil sa sinasabing “ghost” dialysis treatments.
Binigyan diin ni Duque na kailangan lamang na i-review muli ang mga polisiyang sinusunod ng PhilHealth sa mga programa nito.
Bukod dito, mahalaga rin aniya na mapunuan ang aniya’y mga “gaps” o butas sa mga polisiyang ito upang sa gayon ay hindi na maulit pa ang issue na ito sa hinaharap.
Nabatid kamakailan lang ay sinampahan ng kasong estafa ang isa sa mga may-ari ng WellMed Dialysis Center na si Bryan Sy.
Nahaharap naman sa “complex crime” ng estafa through falsification of official documents ang whistleblowers na sina dating assistant manager Edwin Roberto at Liezel Aileen Santos de Leon.
Ito ay matapos na mabunyag na kumukuha pa rin ng claims ang WellMed sa PhilHealth kahit pa matagal nang patay na ang mga pasyenteng ipinangalan sa dialysis treatments nito.