Kinumpirma ng Office of the Vice President na umalis ng bansa ang kanilang chief of staff na si Undersecretary Zuleika Lopez para sa isang “personal” trip.
Ayon sa OVP , nakatakdang bumalik sa bansa ang nasabing opisyal sa kalagitnaan ng buwan ng Nobyembre ng taong ito.
Paliwanag pa ng opisina ng pangalawang pangulo na may basbas ni Vice President Sara Duterte ang byahe ni Lopez .
Nagsumite rin aniya ng kaulang mga dokumento si Lopez na kinakailangan para makabyahe ang isang opisyal ng gobyerno.
Kung maaalala, nagsagawa kahapon ng pagdinig ang House good government and public accountability committee hinggil sa isyu ng Confidential at Intellengence Fund ng OVP at DepEd.
Dito ay naungkat ang impormasyon na umalis ng bansa si Lopez sakay ng isang flight patungo sa Los Angeles.
Una nang hiniling ng komite sa Department of Justice na maglabas ng look out bulletin laban sa pitong opisyal ng OVP.
Sinabi naman ng Justice Department na walang derogatory record ang mga ito o walang arrest warrant. Ibig sabihin , hindi maaaring magpalabas ang DOJ sa pamamagitan ng BI ng look out bulletin na hiling ng komite.