Aminado ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na may mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) pa rin sa bansa, sa kabila ng pagpapasara sa lahat ng licensed POGO.
Ayon kay PAGCOR assistant vice president Jessa Fernandez, mula noong July 22, 2024, itinigil na ng ahensiya ang pag-issue at pag-renew sa lisensiya ng mga internet gaming.
Pagsapit ng Dec. 31, 2024, lahat ng 42 lincence at 18 authorized service provider ay na-kansela na habang ang kabuuang 304 operating sites sa buong bansa ay napasara na.
Sa kabila ng opisyal na pagkakasara sa mga POGO operations sinabi ni PAGCOR senior vice president Raul Villanueva na ilang mga operator ang bumuo ng mas maliliit na grupo.
Ang mga ito aniya ay tuluyang nagtayo ng mga operasyon sa loob ng mga residential subdivision at mga urban areas.
Ayon pa kay Villanueva, mas mahirap din ang pagpasok sa mga ito dahil kailangan na nilang makipag-ugnayan muna sa mga local na pamahalaan, business permits office at building administrators bago ito maisagawa.
Sa ngayon, patuloy pa rin aniya ang pagbabantay sa mga naipasarang POGO hub upang matiyak na manatiling nakasara ang mga ito at hindi makakabalik ang iligal na operasyon.