-- Advertisements --

Ibinaba ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang binabayarang fee rate para sa mga Electronic Game (E-Games) sa bansa.

Mula sa dating 35% ay ginawa na lamang itong 30%.

Binawasan din ng PAGCOR ang rates para sa mga e-games na inooperate ng mga integrated resort patungnong 25%.

Sinabi ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na ang naturang hakbang ay upang makagawa ng mas paborableng regulatory environment sa pamamagitan ng paghikayat sa mga unregistered online gaming operator na pumasok na lamang sa legal market.

Isa aniya itong paraan upang malabanan ang illegal gambling operations sa buong bansa.

Ayon pa kay Tengco, ang pagtapyas sa binabayarang fee rate ay maghahatid sa mga operator ng mas maraming resources para sa kanilang marketing habang pinipigilan din nito ang closure o tuluyang pagsasara ng mga e-games operator.

Sa mga nakalipas na taon, labis na mataas aniya ang kinukulektang fee mula sa mga e-games companies kaya’t napipigilan ang expansion o paglaki ng mga ito.

Sa ngayon, nakapaglabas na ang PAGCOR ng kabuuang 1,188 lisensiya para sa iba’t-ibang on-site at online gaming.

Ito ay mas mataas ng 13.57% kumpara sa 1,046 lisensiya na naibigay noong 2023.