Nanindigan si Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) chairman at CEO Alejandro Tengco sa kaniyang mga naging salaysay sa imbestigasyon ng Senado sa gitna ng pagpalag ni dating Presidential spokesperson Harry Roque na legal head siya ng ni-raid na POGO firm na Lucky South 99 Corp. sa Porac, Pampanga.
Ipinagpapalagay ng Pagcor official na ang naging aksiyon ni Roque ay maaaring tumulong ito o nagsilbing abogado para muling makapag-apply ng lisensiya ang naturang POGO firm.
Aniya, natural lang na sabihin niyang nakikiusap ang dating Cabinet official para sa naturang kompaniya dahil ito ay tumatawag, nagpa-follow up at humihingi ng updates sa aplikasyon ng lisensiya ng POGO firm.
Subalit muling binigyang diin naman ni Tengco na hindi siya pinilit ni Roque o nag-todo effort para bigyan ng lisensiya ang Lucky South 99.
Ayon pa sa Pagcor official, dapat na ang komprontahin ni Roque ay ang awtorisadong kinatawan ng ni-raid na POGO sa Porac na si Cassandra Ong na naglagay sa kaniyang pangalan sa organization chart bilang legal head ng kompaniya na kanilang isinumite noong nag-apply sila para i-renew ang kanilang lisensiya.
Base kay Tengco, sinamahan ni Roque, na hindi na public official noon, si Ong sa isang pulong noong July 26, 2023 para hilingin na bigyan ang POGO firm ng tiyansang mabayaran ang kanilang arrears na nagkakahalaga ng $500,000 na kanilang binayaran sa pamamagitan ni Dennis Cunanan subalit hindi ito natanggap ng Pagcor.
Dito din umano hiniling nina Roque at Ong ang pag-renew ng lisensiya ng POGO firm na nagpaso noong Oktubre 2023.
Subalit sa isang press statement nitong Miyerkules, pinabulaanan ni Roque ang alegasyon laban sa kaniya at sinabing hindi kailanman ito naging legal counsel ng anumang ilegal na POGO o naging abogado ng Lucky South 99.