Hindi na tumatanggap ng bagong aplikasyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR mula sa internet gaming licensees o IGLs matapos ipatupad ang total ban sa POGO.
Sa pagsisimula ng joint public hearing ng binuong Quad Committee sa Bacolor, Pampanga , inusisa ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta kung natupad na ng PAGCOR ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos noong ikatlong State of the Nation Address.
Ayon kay PAGCOR Vice President for Offshore Gaming and Licensing Department Atty. Jessa Fernandez, itinigil na nila ang pagpoproseso ng applications at karagdagang sites at nagsimula na rin ang implementasyon ng hiring ban.
Nagbabawas na rin aniya ng operational sites ang IGLs at boluntaryong nag-a-apply para sa pagpapatigil at sa mga susunod na buwan ay inaasahang liliit na ang kanilang operasyon.
Ipinaliwanag ni Fernandez na pinag-aaralan ng iba’t ibang ahensya ang hollistic approach sa pagtalima sa total ban ng POGO.
Pinagpapasa umano ng PAGCOR ang IGLs ng comprehensive plan para sa pagpapatigil ng operasyon ng lahat pagsapit ng December 31, 2024.
Ipinunto pa ng opisyal na hindi maaaring agaran ang pagpapasara sa mga POGO.
Pero hindi kumbinsido si Marcoleta dahil malinaw na sinabi ni Pangulong Marcos na simula sa araw ng SONA ay ipatitigil na ang mga POGO.