-- Advertisements --

Pinangalanan na ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Chairman Alejandro Tengco ang dating cabinet official na umano’y tumulong para mabigyan ng lisensya ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sinalakay ng mga otoridad at sangkot umano sa mga krimen.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, binanggit ni Tengco ang pangalan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na tumulong para sa POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga otoridad.

Isinalaysay ni Tengco na noong ikatlong linggo ng Hulyo taong 2023 nakatanggap ang Pagcor ng tawag mula kay Roque kung saan humingi ito ng appointment sa kanya.

Nagtungo aniya sa kaniyang opisina si Roque noong Hulyo 26 ng parehong taon, kasama si Katherine Cassandra Ong, na authorized representative ng Lucky South 99.

Ayon kay Tengco, kasama niyang nakipag-usap kina Atty Roque si Atty. Jessa Fernandez ang namumuno ng Gaming and Licensing Division ng Pagcor.

Nakiusap aniya si Roque na tulungan si Ong dahil mayroon silang arrears o utang ang kompaniya na $500,000 dahil niloko daw sila ni Dennis Cunanan, kung saan hindi ibinayad sa Pagcor ang para sana sa gaming fees at ibang additional fees.

Si Cunanan aniya ang nag-facilitate ng mga dokumento ng licensee na Lucky South 99 at si Cunanan din aniya ang opisyal na kinatawan ng naturang POGO hub na nakarehistro sa Pagcor kaya ganon na lamang ang tiwala nito kay Cunanan.

Samantala, sinabi pa ni Fernandez, na kasama ni Tengco sa pagpupulong, anim na beses siyang nakipag-ugnayan kay Roque para sundan ang application ng lisensya ng lucky south 99.

Ngunit parehong nilinaw nina Tengco at Fernandez na hindi sila pinilit ni Roque na ibigay ang lisensya sa nasabing POGO firm.

Ayon kay Tengco, pinangalanan si Roque bilang head ng legal department ng Lucky South 99 batay sa organizational chart ng POGO firm na isinumite para sa kanilang muling pag-apply ng lisensya.

Sinabi ni Fernandez na tinanggihan ang application ng lisensya ng Lucky South 99 dahil nakakita sila ng mga dahilan upang hindi sila pagbigyan.

Naglabas naman ng pahayag si Roque at pinabulaanan nito na siya ang nag-lobby sa iligal na POGO hub.

Itinanggi rin nito na naging kliyente niya ang Lucky South 99 na ni-raid ng mga otoridad.

Noong Hunyo, ibinunyag ni Tengco, ngunit hindi nito pinangalanan, na may isang dating cabinet official ang nag-lobby para sa pagbibigay ng lisensya sa ilang illegal na POGO.