-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Philippine Ports Authority(PPA) ang mga biyahero sa pagdadala ng mga halaman sa mga pantalan at pagbibiyahe sa mga ito gamit ang mga sasakyang pandagat.

Ayon sa PPA, binabantayan nito ang pagbibiyahe ng mga halaman sa pamamagitan ng mahigpit na screening, sa tulong ng Department of Agriculture(DA) – Bureau of Plant Industry.

Payo ng PPA sa publiko, kailangang sumangguni muna ang mga biyahero sa National Plant Quarantine Services Division(NPQSD) upang makakuha ng clearance for domestic transport(CDT).

Sa pamamagitan nito ay matitiyak na walang taglay na ‘regulated non-quarantine pests’ ang mga ibibiyaheng halaman.

Paliwanag ng PPA, may mga halaman na may limitasyon sa pagbibiyahe dahil sa maaaring sakit o peste na dala ng mga ito. Halimbawa rito ang mga saging, abaka, atbpa.

Batay sa sinusunod na regulasyon, susuriin muna ng isang Plant Quarantine Officer(PQO) ang mga halaman na planong ibiyahe at maaaring magpatupad ang quarantine officer ng akmang phytosanitary measure bago pahintulutang maibiyahe ang mga naturang halaman.

Kung matutukoy na walang kaukulang permit, maaaring irekomena ang pagpapaiwan sa mga dala-dalang halaman sa mga pantalan at hindi payagang maisakay at maibiyahe sa mga sasakyang pandagat.

Ayon sa PPA, mahigpit ang ginagawang koordinasyon sa pagitan nito at ng DA bilang bahagi ng pagprotekta ng pamahalaan sa local agriculture ng bansa.