Dapat na ikonsidera ng mga awtoridad ang pagdadala ng mga suplay sa tropa ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa pamamagitan ng airdrop.
Ito ang inihayag ni Cagayan de Oro 2nd district Rep. Rufus Rodriguez sa layuning mapigilang malagay sa panganib ang mga sibilyang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa kasagsagan ng resupply mission.
Ayon pa sa mambabatas, dapat ng tapusin ang nakagawiang ito at inihayag na hindi nito nakikita ang rationale o makatwirang paliwanag para sa paggamit ng civilian boats at mga crew sa pagdadala ng mga suplay sa mga kasundaluhang Pilipino na nagbabantay sa naturang warship na nagsisilbing outpost ng bansa sa West PH Sea at simbolo ng ating soberaniya at territorial integrity.
Sa halip, maaari aniyang gamitin sa resupply mission ang air assets ng Air Force at Philippine Navy.
Subalit, ipinunto din ng mambabatas na ang panganib na maaaring kaharapin ng mga Air Force at Navy personnel sa naturang mission ay pareho lamang din sa kinakaharap ng mga crew ng civilian boat.
Gayunpaman, hindi tulad aniya ng mga sibilyan na ginagawa lamang ang kanilang civic duty, ang militar aniya ang may responsibilidad para magsuplay sa mga kasundaluhan ng bansa sa Ayungin at protektahan ang soberaniya at teritoryo ng ating bansa.
Maaari din aniyang hingin ang tulong ng kaalyadong mga bansa para makibahagi sa air drops gayundin ang mga vdeographer at photographer na magdodokumento sa resupply mission.
Ang pahayag na ito ng mambabatas ay kasunod ng muling pambobomba ng China Coast Guard ng tubig sa resupply boat ng PH sa tangkang mapigilan ito.