-- Advertisements --

Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi na haharangin ng China ang mga barko ng Pilipinas na magtutungo sa Ayungin Shoal, sa West Philippine Sea.


Ito ang siniguro sa kalihim ng Chinese Ambassador Huang Xilian.

Sinabi ni Lorenzana, nag-uusap sila ng Ambassador mula nang mangyari ang pagtataboy na ginawa ng 3 Chinese Coast Guard vessels sa 2 sibilyang banka na magdadala sana ng pagkain sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Nobyembre 16.

Sa naturang insidente, binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang 2 banka na naging dahilan para i-abort ang kanilang re-supply Mission at bumalik uli ang mga ito sa Palawan.

Sinabi ni Lorenzana na babalik uli sa Ayungin Shoal ang mga ito ngayong linggo para ituloy ang kanilang re-supply mission, na hindi na kailangan pang i-Escort ng Philippine Coast Guard o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon sa kalihim, dito makikita kung tapat sa kanilang salita ang mga Tsino.

” Yes, there is such instructions. No Coast guard or navy escort. The Chinese will not interfere per my conversation with the Chinese Ambassador. We will see if they are true to their words as our navy will proceed with the resupply this week,” pahayag ni Sec. Lorenzana.