DAGUPAN CITY — Taun-taon na nangyayari ang phenomenon na paglapit ng mga isda sa pampang.
Ito ang binigyang-diin ni Dr. Westly Rosario, Former Center Chief ng National Integrated Fisheries Technology and Development Center (NIFTDC), sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naging pagdagsa ng maraming isda sa Tinoto, Maasim, Sarangani Province.
Aniya ito ay nangyayari tuwing nagma-migrate ang mga isda o lumilipat ng lugar o kung nagkakaroon ng upwelling sa mga malalamig na tubig papataas kaya naman nabubulabog ang mga isda, at kadalasan ay sa mga lugar na produktibo sa mga sardinas.
Kasabay nito aniya ay mayroon ding mga malalaking isda na sumasabay sa pagdagda ng mga isda sa pampang lalo na ang mga kumakain ng mga maliliit na isda gaya ng sardinas, kaya naman maganda na mapagkakitaan ito ng publiko at mga negosyante lalo na ang mga factory ng sardinas.
Saad nito na maliban sa Sarangani ay nangyayari din ang phenomenon na ito sa Dipolog, Palawan, at iba pang mga lugar na mataas ang produksyon ng sardinas.
Dagdag pa ni Dr. Rosario na dahil palipat-lipat o paiba-iba rin ang mga lugar na pinagyayarihan ng ganitong phenomenon ay dapat na maging handa ang mga mangingisda at mga marurunong na mag-asin upang mapakinabangan ang mga ito hindi lamang bilang pagkain subalit sa paggawa ng bagoong o patis.