Inaasahan ng Port Management Office-Mindoro ang dagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, lalo na sa Holy Wednesday (Abril 16) at Maundy Thursday (Abril 17).
Ayon kay Port Manager Jon Gabriell Manansala, mula Palm Sunday (Abril 13) hanggang Holy Tuesday (Abril 15), umabot na sa 27,000 ang kabuuang bilang ng mga dumating na pasahero—malayo sa karaniwang 3,000 kada araw tuwing hindi peak season.
Bagaman may kapasidad lamang na 3,000 hanggang 3,500 ang pantalan, tiniyak ni Manansala na handa silang i-accommodate ang dagsa ng mga biyahero dahil marami namang available na barko. Tinatayang nasa 44 na biyahe ang naitatala bawat araw, kabilang na ang mga fast raft operations.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na agahan ang pagpunta sa pantalan at sundin ang mga alituntunin para sa maayos at ligtas na biyahe ngayong Semana Santa.