GENERAL SANTOS CITY – Naging usap-usapan hanggang sa ngayon ang pagdagsa ng maraming isda sa Tinoto, Maasim, Sarangani Province.
Ayon kay Jeff Tagum, residente ng Maasim, na nabigla sila nang makita ang napakaraming isda na tinatawag ng mga residente na lupoy o juvinile pelagic sardines.
Sa kanyang pahayag, madaling araw pa lang nagdagsaan ang naturang mga isda kaya’t namangha ang mga residente at pumunta sa tabing dagat.
Kanya-kanyang kuha ng mga isda ang mga tao kasali na rin ang guest ng JML Beach resort.
Sa naturang pagyayari, wala ng area na pwedeng paliguan ang mga guest dahil puno na ng isda kaya nakipagsabayan na rin silang pumulot.
Para hindi masira at magdulot ng pagbaho sa beach resort ay kanilang pinapasok ang mga tao na walang bayad sa beach.
Dagdag pa nito na hindi iyon ang unang pagkakataon na may dumagsa na maraming isda sa kanilang lugar.