Nagbababala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko dahil sa pagdami ng bilang ng cryptocurrency investment scams sa bansa.
Sinabi ni CICC Executive Director Alexander Ramos, na may ilang banko ang nag-sumbong sa kanila na ilang depositors nila ang nawalan ng ilang milyon dahil sa cryptocurrencies scams.
Hindi naman aniya lumalapit sa kanilang opisina ang mga depositors na nabiktima.
Dagdag pa nito na mula pa noong Nobyembre ay binalaan na niya ang publiko ukol sa nasabing pagkalat ng nasabing crypto currencies sa bansa at ito ay lumala ngayong buwan ng Disyembre.
Nagiging makabago na at mabilisan na ang ginagawa ngayon ng mga nasa likod ng modus kung saan mabilis na nawawala ang pera kapag nagdeposit na ang mga ito.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t-ibang ahensiya para agad na mapuksa ang mga nasa likod ng nasabing panloloko.