Nababahala si Senator Joel Villanueva sa bagong datos na inilabas ng Department of Health (DOH) kung saan naging kapansin-pansin na 56 percent sa mga namatay dahil sa coronavirus disease ay dahil hindi umano nadala sa ospital.
Sa pagdinig ng Senado para sa P203.74 billion na panukalang budget ng DOH sa susunod na taon, kinuwestyon ni Villanueva ang datos ng DOH noong Oktubre 5. Nakasaad kasi rito na 3,279 ng 5,840 na namatay mula sa COVID-19 ay hindi naka-admit sa ospital.
Di hamak aniya na mas mataas ito sa 48 percent na naitala noong buwan ng Agosto. Pinuna na ng seandor si Health Secretary Francisco Duque III hinggil dito ngunit tila wala umanong nangyayaring pagbabago.
“Malinaw po na kailangan nang maayos na referral system para sa mga COVID patients na may kritikal at malubha na sintomas upang agad ma-admit sa ospital,” ani Villanueva.
Hindi rin daw katanggap-tanggap na pumalo sa 76 percent ng mga COVID patients na nasa kritikal na kalagayan ang hindi rin dinala sa ospital.
Pagtatanggol naman ni Duque na kailangan pang i-validate ng ahensya ang mga nabanggit na bilang dahil ayon dito ay hindi dumaan ang nasabing impormasyon sa kaniya.
“The condition of the patient once they arrived in the ER becomes irreversible kaya DOA [death on arrival] ang malaking bilang po nito. But we are having this validated,” paliwanag ng kalihim.
Isa aniya sa kanilang tinitingnang posibilidad ay dahil karamihan sa mga namamatay ay hindi kaagad nagpupunta ng ospital. Kalimitan umano itong nangyayari sa mga mahihirap hanggang sa lumalala na lamang ang kanilang nararamdamang sintomas.