CENTRAL MINDANAO-Local Transmission ang dahilan ng patuloy na paglobo ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid-19) sa Kabacan Cotabato.
Ito mismo ang kinomperma ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr.
Ito ay nangyayari sa pagitan ng mga magpapamilyang nakatira sa iisang bahay. Kung kaya, hinikayat pa nito na kailangang mas palakasin ng bawat Kabakeño ang pagtalima sa health protocol standards at magpabakuna kontra covid-19.
Siniguro din nito na laging nakahanda ang bayan upang matulungan ang mga pasyente. Inilahad din nito ang resolution na nag-aatas na magkaloob ng pondo upang makabili ng Rapid Antigen Test Kit ang bayan na aabot sa mahigit isang libo ang pupuwedeng masuri.
Samantala, ngayong nasa ilalim na ang buong lalawigan sa General Community Quarantine o GCQ, inaasahan nito na patuloy sa pagbabantay ang bawat Barangay Officials sa kanilang nasasakupan at kailangan umanong mas ipakita ng bawat lider na ito sila ay sumusunod rin sa atas ng gobyerno.
Agad namang siniguro ni ABC President at PB ng Poblacion Evangeline Pascua-Guzman na mangunguna ito sa pagbabantay sa mga opisyales at kanilang susundin ang EO 31 ng provincial government.