GENERAL SANTOS CITY – Inamin ng pamunuan ng Police Regional Office 12 (PRO-12) na hanggang sa imbestigasyon at pagpapalabas ng mga advisory pa lamang ang kanilang kayang gawin kaugnay sa isyu ng mga investment scam na talamak na sa lungsod at mga kalapit bayan at probinsya.
Ito’y makaraan ang ginawang inter-agency coordinating conference nitong nakalipas na Huwebes sa PRO-12 headquarters sa layunin na pag-usapan at imbestigahan ang mga gagawing hakbang upang mapatigil na ang tila kabuteng pagdami ng iba’t ibang investment scam na nag-aalok sa publiko ng 30% – 400% interes sa kanilang ini-invest na pera.
Dumalo sa nasabing meeting ang taga-City Legal Office, General Santos City Chamber of Commerce and Industry, Bankers Association, DTI, NBI at Napolcom, kung saan naging closed-door ang kanilang pagpupulong.
Napag-alamang umabot na kahit sa Luzon at Visayas ang nasabing mga investment schemes.
Kasabay nito, pinayuhan ng Napolcom ang kapulisan na huwag nang pumasok sa naturang mga investment scams dahil tinaasan naman ng gobyerno ang kanilang sahod.
Matatandaang maraming mga pulis sa Region 12 ang sinasabing nabiktima ng kontrobersya na P2 billion Police Paluwagan Movement o PPM scam.
Nagpaalala din ang Chamber of Commerce and Industry dahil bunsod umano ng naturang mga investment scam, maaapektuhan ang ekonomiya ng lungsod at maraming tao ang mawawalan ng pera at ari-arian dahil gagawing puhunan sa nasabing mga investment scam.
Matatandaang nitong buwan lamang ay naglabas ng kautusan ang DILG kung saan inatasan ang lokal pamahalaan, PNP at NBI na ipatupad na ang cease and desist order o CDO na inilabas ng sa Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa KAPA investment community.