Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang pagdami ngayon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) outlets sa bansa.
Sa kanilang inihaing House Resolution 221, pinasisilip nina Bayan Muna Party-list Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat sa House committees on gaming and amusement at good government and public accountability ang paglipana ng mga POGO outlets at ang epekto nito sa ekonomiya at seguridad ng bansa.
Bawal anila ang pagsusugal sa China subalit pinapahintulutan naman ang operation ng POGO sa Pilipinas kahit pa hindi nagbabayad ang ilan sa mga ito ng wastong buwis sa pamahalaan.
Dumarami na rin daw sa ngayon ang bilang ng mga foreign workers na nagtatrabaho sa mga POGO outlets na walang valid permits.
Bukod dito, malaking usapin din anila ang umano’y money laundering, loan sharking, illegal immigration, human trafficking at iba pang krimen na kinasasangkutan ng kanilang mga empleyado na pawang mga Chinese.
Inihalimbawa pa nila rito ang ulat mula sa PNP na nagsasabing tumaas ang bilang ng mga Chinese na nasasangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng tulad ng kidnapping, illegal recruitment, extortion, illegal detention, at murder.
Sa ngayon, 56 na ang bilang ng mga POGO outlets sa Pilipinas, kung saan karamihan dito ay nakapuwesto pa malapit sa mga military at naval installations.