-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Naunsyami ang pagbaba ng daan-daang dayuhang turista sa isla ng Boracay matapos na kanselahin ng management at kapitan ng barko na MS Nautica Oceania ang kanilang pagdaong dahil sa malakas na alon dala ng sama ng panahon sa karagatan.

Sinabi sa Bombo Radyo Kalibo ni Coast Guard Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino ng Philippine Coast Guard Aklan na napagdesisyunan ng pamunuan ng cruise ship na hindi na pababain ang kanilang mga pasahero sa halip ay dumiretso na lamang ang mga ito sa Metro Manila.

Dahil sa kawalan ng pantalan para sa mga high-end na barko, dumadaong ang cruise ship sa kalagitnaan ng dagat na sakop ng Boracay at sinusundo ang mga turista ng mga speed boat papuntang shoreline ng isla.

Una rito, nakansela rin ang pagdaong ng MS Westerdam kamakailan lamang dahil rin sa sama ng panahon dala ng nararanasang Northeast Monsoon o Hanging Amihan.

Sa kabilang dako, naglatag na ng oil spill boom ang PCG Aklan katuwang ang Malay Municipal Disaster Risk Reduction Management Council at Malay PNP personnel sa puka beach sa nasabing isla.

Ayon naman kay Coast Guard Ensign Eulogio Quinto III, paghahanda umano ito sakaling umabot sa Boracay ang oil spill mula sa Naujan, Oriental Mindoro.

Nakaalerto aniya ang marine environmental protection unit at ginagawa nila ang lahat na hakbang upang hindi umabot sa tanyag na isla ang oil spill.

Sa kasalukuyan aniya ay walang dapat na ikabahala ang mga residente, turista at bakasyunista dahil ligtas na paliguan ang mga baybayin ng Boracay.