-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Balak ipagbawal ng Department of Tourism (DoT) ang pagbisita ng mga international cruise ship sa isla ng Boracay sa peak season kagaya ng nalalapit na Semana Santa, summer vacation at Pasko.

Ayon kay DoT regional director Helen Catalbas, layunin nito na matiyak na hindi malalabag ang carrying capacity na 6,405 na turista sa isla bawat araw.

Aniya, ang mga cruise ships na dumadaong ay kadalasang may lulan na mahigit sa 1,500 hanggang 4,500 na pasahero at crew.

Dahil hindi naman tumatagal at hindi rin nangangailangan ng mga hotels and resorts accommodation, binibigyan sila ng pitong oras upang makapaglibot sa white-sand beach, souvenir shops, restaurants at iba pa.

Simula nang buksan ang Boracay noong Oktubre ay dalawang cruise liner pa lamang ang nakadaong sa isla na kinabibilangan ng MV Star Legend noong Pebrero 27 at Seven Seas Navigator noong Marso 4.