-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Nakansela ang nakatakda sanang pagdaong ng Westerdam kahapon, Marso 3 sa isla ng Boracay dahil sa naranasang malakas na hangin at alon na dala ng epekto ng Amihan.

Ipinahayag ni Mr. Nieven Maquirang, Executive Assistance V ng Office of the Provincial Governor na pasado alas-7:00 ng umaga kahapon ng dumating sa karagatang sakop ng Boracay ang cruise ship subalit hindi ito natuloy dahil naapektuhan ang anchorage area.

Dahil sa sama ng panahon minabute nalang ng kapitan ng cruise vessel at Coast Guard Station Aklan na kanselahin na lamang ang kanilang pagbisita sa isla at dumiretso ng Maynila para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Kasama sana sa mga destinasyon ng Westerdam ang Boracay matapos nilang dumaan sa Singapore at Puerto Princesa, Palawan.

Ang nasabing cruise ship ay may lulan na 1,993 passenger at 790 mga crew.

Samantala, umaasa naman si Maquirang na magiging maganda ang lagay ng panahon sa Marso 6 at 8 dahil sa nakatakdang pagdating ng dalawa pang cruise ship sa isla.

Kinabibilangan ito ng MS Nautica na may 800 capacity at isang Maiden call na may higit 1,500 capacity.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Aklan Provincial Government na magkaroon ng cruise port sa Boracay upang maging isang cruise hub ito sa hinaharap.