VIGAN CITY – Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na isang malaking hamon ang criteria na dapat ay COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) free ang mga lugar kung saan isasagawa ang satellite voters registration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay COMELEC spokesman James Jimenez, sinabi nito na kahit may partnership na ang ahensya sa mga mall developers ay kinakailangan naman na ang lugar kung saan isasagawa ang satellite registration ay walang kasong nairekord.
Maliban diyan, limitado na lamang sa limang tao na kinabibilangan ng watcher, botante at mga board of election inspectors, ang pinapayagang pumasok sa mga voting precincts upang hindi maging sanhi ng hawaan.
Sa ngayon, inaasahan ng ahensya na mahigit sa 60 milyon na botante ang bubuhos sa May 2022 elections.
Ito’y dahil lagpas na sila sa target na apat na milyong botante sa nagpapatuloy na voter registration sa bansa.