Inanunsyo ni PNP chief Debold Sinas na karagdagang air assets pa ang darating upang umagapay sa mga operasyon ng pulisya.
Ayon kay Sinas, nasa walo hanggang 10 choppers ang inaasahan pang darating.
Gayunman, hindi binanggit ni Sinas kung kailan darating ang naturang mga air assets.
Sinabi rin ng heneral na naantala ang pagdating ng mga helicopter dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, sinabi ni Sinas na hindi lamang ang Special Action Force ang gagamit ng mga coppers kundi pati na rin mga police regional officers sa buong bansa.
“Actually babaguhin namin ‘yan, ‘di na ‘yan SAF air unit. Gawin na namin ‘yang air group ng PNP. Maging fleet na ‘yan eh. So ‘pag maka-acquire pa kami ng walo plus dalawa, e ‘di sampu. ‘Yung nag-crash na chopper, mayroon ‘yung insurance. Certain amount ‘yun, dagdagan na lang, puwede ulit bumili ng dalawa,” wika ni Sinas.
Una rito, nakakuha ang police force ng mahigit P1.2-bilyong halaga ng assets at equipment na bahagi ng kanilang modernization program sa ilalim ng PATROL Plan 2030 ng PNP.