Bahagya umanong maantala ang pagdating sa bansa ni naturalized center Andray Blatche dahil sa kailangan muna nitong dumalo sa isang court hearing kaugnay sa kustodiya ng kanyang anak.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao, mula sa Hulyo 8 hanggang 9 na orihinal na petsa ng pagdating ni Blatche sa bansa, mauusog ito ng ilan pang araw.
Inaasahan ngayon ng team na makakarating si Blatche sa Hulyo 12 o 13.
“There’s going to be a slight delay,” wika ni Guiao. “Meron siyang court hearing sa custody case ng anak niya. Aattendan niya muna yun bago siya makalipad dito.”
Sina rin aniya ng mga handlers ng Syracuse-born big man na inisyal na naka-schedule ang hearing sa Hulyo 23, ngunit umapela ang kanyang mga abugado na gawin ito sa mas maagang petsa.
Matataon ang dating ni Blatche sa puspusang paghahanda ng Gilas para sa 2019 FIBA World Cup sa darating na Agosto sa China.
Sa darating na Lunes ay papangalanan na rin ni Guiao ang final 14-man pool ng national squad.