Made-delay umano ang pagdating sa bansa ng NBA star na si Jordan Clarkson upang maging bahagi muli ng national team Gilas Pilipinas na lalahok sa World Cup Asian Qualifiers na gagawin sa bansa at sa Saudi Arabia.
Kinumpirma ni Gilas head coach Chot Reyes na hindi pa makakarating sa August 15 si Clarkson at maaaring sa ibang araw pa.
Kasalukuyan pa umanong inaasikaso ang schedule nito para makahabol sa ilang araw na training camp bago naman ang laro ng Gilas kontra sa Asia Cup finalist na Lebanon sa August 25 at laban sa Saudi Arabia sa August 29 para sa fourth window ng World Cup Asian Qualifiers.
Kung maalala ang Utah Jazz player na si Clarkson ay huling naglaro sa ilalim ng bandila ng Pilipinas noong 2018 Asian Games.
Una nang iniulat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na tiyak din na maglalaro si Clarkson sa susunod na taon para sa 2023 FIBA World Cup.