Hinihintay na ng Department of Health (DOH) ang delivery ng nasa 3,000 test cartridges na dinevelop upang mabilis na ma-detect ang coronavirus disease (COVID-19).
Sinasabing ang nasabing mga cartridge ay kayang maglabas ng resulta ng test sa loob ng 45 minuto.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, ang mga cartridge na binuo ng US company na Cepheid sa ilalim ng label na GeneXpert ay ipapamahagi sa mga testing facilities na oras na dumating na ang mga ito sa bansa.
Kasama rin aniyang gagamitin ang naturang mga cartridge ng mga test kits na ginawa naman ng University of the Philippines, may detection time na dalawang oras.
Wika pa ni Vergeire, kasalukuyan na ring ginagamit ang nabanggit na test para sa diagnosis ng tuberculosis.
Ngayong araw sisimulan ng pamahalaan ang mass testing para sa mga suspected COVID-19 cases.
Uunahin ng DOH ang pagsuri sa mga may malubhang sintomas, mga mahihina at madaling magkasakit, at mga medical workers na nakakaranas ng sintomas ng deadly virus.