-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Sisimulan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang monitoring sa mga river channels ng bulkang Mayon kaugnay ng pagpasok ng La Niña.

Pinangangambahan kasi na magdulot ng pagdausdos ng lahar deposits kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Phivolcs resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasa 49 million cubic meters ng mga bato at abo ang ibinuga ng bulkang Mayon sa kasagsagan ng major eruption nito noong nakalipas na taon.

Karamihan umano sa mga volcanic deposits ay napadpad sa timog na bahagi ng bulkan partikular na sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Sto. Domingo at lungsod ng Legazpi.

Dagdag pa ng opisyal na noong nagkaroon ng malakas na mga pag-ulan sa lalawigan sa nakalipas na taon ay na-obserbahan na ang lahar sa ilang mga river channels.

Sa kasalukuyan ay binabantayan ng tanggapan ang mga ilog ng Binangan, Misi, Mabinit, Bonga, Basud, at San Roque.

Samantala, pormal na rin na nai-lift ang state of calamity sa lalawigan ng Albay na unang idineklara sa kasagsagan ng pag-aalburuto ng Mayon volcano noong nakalipas na taon.