LEGAZPI CITY – Sukol na umano at masikip na ang daan ng mga personalidad na sangkot sa “Pastillas Scheme” kabilang ang ilang kawani at opisyal ng Bureau of Immigration (BI), dahil sa lumalawak na imbestigasyon.
Naniniwala si Senate committee on women, children, family relations and gender equality chair Sen. Risa Hontiveros na mistulang “Pandora’s Box” na nabuksan ang iba pang detalye, kasunod ng pag-aresto kay NBI Legal Assistance Division chief Atty. Joshua Capiral.
Kasabay ng Senate hearing kahapon sa bribery scheme, nabunyag na inaresto si Capiral sa entrapment operation sa pagtanggap umano ng “kickback” upang bawasan ang listahan ng mga kakasuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, iginiit ni Hontiveros na hindi lamang “foot soldiers” at “mid-level” ang mapanagot sa isyu, maliban pa sa 19 na immigration officers na inirekomendang kasuhan.
Sa takbo ng kuwento na mula sa isyu ng POGO at human trafficking, kumpiyansa si Hontiveros na may katotohanan ang mga isiniwalat ng whistleblower na si Immigration Officer Allison Chiong.
Matapos ang natuklasang mga panibagong detalye, nangangailangan pa umano ng isa pang pagdinig ukol sa isyu partikular na sa pagdawit ni Ramon Tulfo sa pangalan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II bilang umano’y protector ng modus.
Maigi na umanong maresolbahan na ang isyu habang sarado pa ang borders na bahagi ng protocol laban sa COVID-19.