-- Advertisements --
brp

Muling binigyang-diin ng Philippine Coast Guard na hindi intensyon ng pagpapadala ng resupply boats sa BRP Sierra Madre ang i-provoke ang China.

Paliwanag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, pinapatunayan lamang ng pamahalaan na sumusunod ito sa pamantayang hindi pagmimilitarize sa kasalukuyang dispute sa WPS.

Bukod dito ay iginiit din niya na paraan ito upang ipakita na walang nilalabag na anumang probisyon ang Pilipinas pagdating sa resupply mission sa Ayungin shoal dahilan kung bakit hindi ito gumagamit ng Navy vessels sa tuwing nagsasagawa rotation and resupply mission sa nasabing lugar.

Kasabay nito ay tiniyak din ni Tarriela na nananatiling ligtas ang kanilang isinasagawang operasyon para sa BRP Sierra Madre at tanging ang pagiging agresibo lamang aniya ng mga barko ng China ang problemang isinasaalang-alang nila.

Kung maaalala, una rito ay iniulat din ng PCG na matagumpay na nakapasok ang tropa ng Pilipinas sa Ayungin shoal sa kabila ng bantang dulot ng China Coast guard at Chinese maritime militia vessels.