Binigyang-diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may limitasyon sa pagdedeklara ng Martial Law.
Tugon ito ng kalihim sa pahayag ni House Speaker Pantoleon Alvarez na gusto nitong palawigin ang umiiral na Batas Militar sa Mindanao hanggang sa matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.
Paliwanag ni Lorenzana, “extra” ordinaryong kapangyarihan ng pangulo ang padedeklara ng Martial Law na dapat lamang gamitin kung may banta sa pambansang seguridad.
Kaya nga rin aniya nagtakda ng mga limitasyon ang Konstitusyon upang hindi maabuso.
Giit ng kalihim na ang nasabing kapangyarihan ay maaaring makaapekto sa kapayapaan at kaayusan, turismo, ekonomiya, kalakalan at pamumuhay ng mga tao sa bansa.
Nilinaw naman ni Lorenzana na iginagalang nila ang posisyon ni Alvarez sa pagpapalawig ng Martial Law at susunod lang aniya ang militar sa anumang direksyong ilalatag ng national government.
Pagtiyak ng kalihim, tatalima sila sa kung ano ang magiging kautusan sa kanila.