Tinawag ni Vice President Leni Robredo na “iresponsable” ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara ito ng isang revolutionary government.
Ayon kay Robredo, nagulat daw ito sa nasabing pahayag dahil bilang abogado, alam naman daw ng Pangulong Duterte na labag ito sa Saligang Batas.
Binigyang-diin ng pangalawang pangulo na kapwa silang nanumpa na pangangalagaan ang Saligang Batas.
“Iyong pagdedeklara ng revolutionary government, hindi siya naaayon sa Konstitusyon. Kaming dalawa, pareho kaming nanumpa na ipagtatanggol namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Kapag nagdeklara siya ng revolutionary government, ang gusto ba nitong sabihin, inaabandona niya iyong kaniyang pinanumpaan,†wika ni Robredo.
Hindi rin umano naaangkop ang naging sagot ng Presidente sa pahayag ni Sen. Franklin Drilon.
Nagpaalala rin ito sa Pangulo na dapat hindi umano nito idinadaan sa pag-aalburoto ang kanyang mga salita kapag nahaharap sa kritisismo.
“Hindi puwedeng dahil, parang, nag-alburoto ka, parang tatakutin iyong taumbayan sa isang paraan na hindi constitutional,†dagdag nito.
Una rito, sinabi ng Punong Ehekutibo na maaari daw itong magdeklara ng giyera bilang tugon sa pahayag ni Drilon na dapat daw maging maingat ang pamahalaan sa pagrepaso ng mga government contracts.
Maaari rin daw nitong suspendihin ang writ of habeas corpus kung sagarin daw ito ng kanyang mga kritiko.