ILOILO CITY – Hindi natuloy ang pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod ng Iloilo matapos hindi sumipot sa regular session ang ilan sa mga konsehal.
Pangunahing agenda sana sa nasabing sesyon ay ang pagsasailalim sa siyudad sa state of calamity dahil sa kakulangan ng supply ng tubig.
Kabilang sa mga hindi dumalo na walang official leave ay sina Vice Mayor Jeffrey Ganzon, Councilors Love-Love Baronda, Ely Estante, Armand Parcon, Jay Trenas, Liga ng mga Barangay President Irene Ong at Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Leila Luntao.
Present naman sa session sina Councilors Plaridel Nava, Liezl Joy Zulueta Salazar, Eduardo Peñaredondo, R Leone Gerochi, Lyndon Acap, Joshua Alim at Candice Tupas samantalang naka on-leave naman si Councilor Mandrei Malabor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jose Espinosa III, sinabi nito na ang pagdeklara ng State of Calamity ay hindi dapat lagyan ng political color dahil para sana ito sa ikabubuti ng mga residente.
Itinuro naman ng alkalde ang kanyang bilas na si Iloilo City Lone District Rep. Jerry Treñas na pasimuno ng pagboycott ng mga konsehal.
Ayon naman sa mambabatas, pabor din naman ang mga nasabing konsehal na isailalim sa State of Calamity ang Iloilo City ngunit gusto lamang nila matiyak na hindi magagamit sa pangangampanya ang P125-milyong calamity fund.