TUGUEGARAO CITY – Hihilingin ng Cagayan museum na ideklara bilang “important cultural property of the Philippines†ang Callao Cave sa bayan ng Peñablanca sa nasabing lalawigan.
Matatandaang sa nasabing kuweba nahukay ang mga buto at ngipin ng mga sinaunang uri ng tao na kung tawagin ay Homo luzonensis na pinaniniwalaang nabuhay 67,000 taon ang nakalipas na kasama din umano ng unang diskubre na metatarsal o ang tinaguriang Callao man.
Sinabi ni Jennifer Baquiran, museum curator ng Cagayan, napakahalaga ang nasabing findings sa pangunguna ni Prof. Armand Mijares dahil sa mababago nito ang istorya ukol sa evolution of man at makikilala ang Cagayan bilang “best archeological site†sa buong mundo.
Kaugnay nito, sinabi ni Baquiran na nakatakdang bumisita sa Cagayan si Mijares sa susunod na buwan kasabay ng Heritage Month celebration.
Aniya, una nang nagpahiwatig si Mijares na muling magsasagawa ng paghuhukay ang grupo sa Callao cave sa layuning mabuo ang mga nahukay mga fossils na mula umano sa tatlong tao.
Dahil dito, sinabi ni Baquiran na magpapatupad sila ng mas mahigpit na patakaran sa Callao cave upang mapangalagaan ito at nang hindi masira.
Ayon sa kanya, pinag-uusapan na nila kasama ang pamahalaang panlalawigan ang mga ipatutupad na mga hakbang lalo na ang pagpasok ng mga turista
Sinabi ni Baquiran na tiyak na mas maraming turista ang bibisita sa Callao cave lalo na ngayong Semana Santa.
Samantala, sinabi ni Baquiran na nasa Cagayan Museum ang replica ng metatarsal o ang fossil ng Callao man.
Paliwanag ni Baquiran, inilalagay kasi sa National Museum ang mga mahahalagang nadiskubreng fossils at mga artifacts dahil mas may kapasidad ito na pangalagaan ang mga ito.
Sinabi pa ni Baquiran na nangako si Mijares na bibigyan sila ng replica ng mga Homo luzonensis, maging ang kopya ng kanilang buong research material.
Noong 2003 nang simulan ng mga archaeologists ang paghuhukay sa nasabing kuweba, at 2007 natuklasan ang unang footbone.
Nakita naman noong 2011 ang ilang piraso ng ngipin, mga handbone, at isang leg bone, at nakuha ang isa pang ngipin makalipas ang apat na taon.