Kinumpirma ng Malacañang na sa lalong madaling panahon maaaring magdeklara ng Martial Law si Pangulong Rodrigo Duterte sa Negros Oriental.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, isa lamang ito sa binabanggit ni Pangulong Duterte na bahagi ng ipatutupad niyang emergency powers para mapigilan ang patuloy na paghahasik ng karahasan ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan.
Ayon kay Panelo, naniniwala si Pangulong Duterte na hindi kakayanin ng PNP kahit nagpadala pa ito ng dagdag na 300 pwersa ng Special Action Force (SAF) para makontrol ang sitwasyon sa Negros Oriental at matigil ang patayan.
Kumbinsido si Sec. Panelo na sang-ayon ang Martial Law declaration sa Negros Oriental sa Konstitusyon.
Sa ngayon ay umiiral pa rin ang Martial Law sa buong Mindanao na nag-ugat sa nangyaring Marawi siege noong May 2017.
Una rito napaulat naman na walang ibinigay na rekomendasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Duterte na isailalim sa Martial Law ang Negros Oriental.
Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo hindi nagbigay ng rekomendasyon ang AFP na ipatupad ang batas militar sa nasabing probinsiya.
Sinabi ni Arevalo, may sapat na pwersa ang AFP sa lalawigan at walang rason para dagdagan pa ito.
Gayunpaman, sinabi ni Arevalo na maari naman nilang konsultahin ang mga local chief executives at i-asses ang situasyon sa lugar kung may pangangailangan para dito.
Dagdag ni Arevalo, tanging ang Pangulo ang makakapagdeklara ng batas militar, at magbibigay lang ng rekomendasyon ang AFP kung hilingin ito ng commander in chief.
“There was no proposal from the AFP to declare ML in Negros. We have sufficient forces on the ground no need to add more. But we can consult with the local chief executives and look at the situation on the ground and assess if there’s a basis to it,” pahayag pa ni Gen. Arevalo.
Maging ang PNP ay una na ring itinanggi na inirekomenda nila sa Pangulo na isailalim ang Negros Oriental sa batas militar sa gitna ng serye ng patayan sa lalawigan.
Sa ngayon nasa 20 na ang napatay, kabilang ang apat na mga pulis na in-execute ng NPA.