-- Advertisements --
Rosendo So
SINAG CHAIRMAN ROSENDO SO

VIGAN CITY – Naniniwala si Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So na malaking tulong umano para sa mga hog raiser ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na apektado ng African swine fever (ASF) virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay So, sinabi nito na mabilis ang aksyon ng mga LGU dahil mahalaga ang deklarasyon para makapaglaan ng pondo at matulungan ang bawat lugar na apektado.

Kabilang sa mga lugar na nakapagdeklara na ng state of calamity ang Pampanga, Bulacan at Pangasinan.

Kung kaugnay naman sa demand ng mga baboy ay malakas pa rin ang bentahan sa North Luzon habang normal naman sa Pampanga at Bulacan.

Samantala, inamin nito na isa sa mga problemang kinakaharap nila ang mga nakakalusot na biyahero na may bitbit na karne o pork products kahit pa maigting na ang pagbabantay ng mga LGUs sa mga checkpoints.

Dahil dito, naniniwala si So na marapat lamang na maturuan ng leksyon ang mga pasaway na nagpupuslit ng karne ng baboy upang mapigilan ang paglaganap nga ASF.