VIGAN CITY – Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na malaking tulong umano para sa mga hog raiser ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF) virus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay SINAG Chairman Rosendo So, mabilis ang aksyon ng mga LGU dahil mahalaga ang deklarasyon para makapaglaan ng pondo at matulongan ang bawat lugar na apektado.
Kabilang sa mga lugar na nauna nang nakapagdeklara na ng state of calamity ang Pampanga, Bulacan at Pangasinan.
Kung kaugnay naman sa demand ng mga baboy ang pag-uusapan, nananatiling malakas pa rin ang bentahan sa North Luzon sa kabila ng karamihan sa mga lugar na apektado ng ASF ay matatagpuan sa Luzon.
Samantala, inamin nito na isa sa mga problemang kinakaharap ngayon ng kanilang grupo at ng Department of Agriculture ang mga nakakalusot na biyahero na may bitbit na karne o pork products kahit pa maigting na ang pagbabantay ng mga LGUs sa mga nakatalagang quarantine checkpoints sa kanilang lugar.