KALIBO, Aklan — Malaki ang maitutulong sa pagdami pa ng turista sa Boracay ang pagdeklara sa tatlong barangay nito at buong bayan ng Malay, Aklan na siyang may hurisdiksyon sa isla na drug cleared na.
Ayon kay Municipal Local Government Operation Officer Mark delos Reyes na naeengganyo ang mga turista lalo na ang mga dayuhan na bumisita sa isang lugar kapag nakikita nilang maayos ang takbo ng peace and order.
Aniya, sa pagkamit sa naturang estado kinakailangan pa rin ang mahigpit na pagsubaybay sa mga mamamayan at turista upang mapanatiling drug-free ang kanilang lugar.
Nauna dito, kinumpirma ni delos Reyes na syento porsyento nang certified drug cleared ang 17 barangay sa naturang bayan ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing ng Philippines Drugs Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi pa ni delos Reyes na sinimulan nila ang kampanya at nag-apply noong 2019 sa kasagsagan ng panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang komunidad laban sa illegal na droga.