Sisimulan bukas ng Senate committee on national defense and security ang mga pagdinig sa mga panukalang amyendahan ang Republic Act 11709 o ang batas na nagtakda sa mga termino ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tatlong taon.
Sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada, na namumuno sa komite, na susuriing mabuti ng panel ang mga panukalang batas bago maglabas ng report para sa plenary deliberations.
Sinabi niya na ang mga iminungkahing pag-amyenda sa batas ay inihain noong nakaraang buwan, bago pa man lumabas ang mga ulat tungkol sa umano’y hindi pagkakaintindihan sa loob ng militar dahil sa diumano’y pag-iiba ng pamumuno.
Noong Disyembre 6, inihain ni Estrada ang Senate Bill 1601 na naglalayong amyendahan ang RA 11709 o ang batas na nagbibigay ng three-year fixed term para sa AFP chief of staff at iba pang heneral.
Sa kabilang banda, naghain ng katulad naman na panukala si Senate President Juan Miguel Zubiri noong Disyembre 7.
Habang ang mga panukala ay nakita na ng mga opisyal at enlisted personnel ng AFP, sinabi ni Estrada na kailangan nilang marinig o kumonsulta sa iba pang kinauukulang parties sa pagtiyak ng pangangailangang amyendahan ang batas na nagkabisa noong nakaraang taon.