Gagamiting ebidensiya ni dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque ang isinagawang pagdinig ng House Tri-Committee sa kaniyang asylum bid sa Netherlands.
Ginawa ni Atty. Roque ang pahayag sa isang livestream kasama ang vlogger na si Maharlika kasunod ng pagpapatuloy ng pagdinig ng komite kaugnay sa mga nagpapakalat ng fake news online nitong araw ng Martes, Abril 8.
Sa naturang pagdinig kasi, itinuro ng vlogger na si Pebbles Cunanan, na tinatawag ding Pebbles Talakera, ang dating Presidential spokesman na siyang pasimuno umano sa pagpapakalat ng kontrobersiyal na “polvoron video” na nagpapakita ng paghithit umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng iligal na droga.
Pinasalamatan pa ni Atty. Roque ang komite at si Cunanan dahil mayroon na umano siyang ebidensiyang magagamit para ma-facilitate ang kaniyang asylum application.
Saad ni Atty. Roque na “ang isinagawang pagdinig ng Tri Comm ang magpapakita na ang polvoron video ang dahilan kung bakit siya dinikdik mula pa noong magsimula ang pagdinig ng House Quad Committee.”
Matatandaan na ilang buwang nagtago si Roque bago ito lumantad sa The Hague, Netherlands matapos arestuhin at dalhin doon ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Humiling si Roque ng asylum sa Netherlands para magsilbing abogado ng dating Pangulo subalit kalaunan nilinaw na hindi siya kasama sa defense team.
Sa ngayon nakabinbin ang asylum application ni Roque.
Matatandaan na nahaharap si Roque sa kasong human trafficking sa Department of Justice (DOJ) may kinalaman sa illegal operations ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga. Inisyuhan rin si Roque ng Immigration Lookout Bulletin Order noong Agosto ng nakalipas na taon.
May standing arrest order din si Roque na inisyu ng House of Representatives na itinuturing siya bilang isang pugante bagay na nauna ng itinanggi ni Roque bilang fake news.
Nauna na ring sinabi ni Roque na mayroon siyang nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na humihiling na ideklarang labag sa batas ang imbestigasyong isinasagawa laban sa kaniya.