Nakatakdang isagawa ng House Tri-Comm ang ikalawang pagdinig nito sa Martes, Pebrero 18, kaugnay ng lumalalang banta ng disimpormasyon at ‘fake news’ na ikinakalat online.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng pagpapalabas ng show cause orders (SCOs) sa ilang social media personalities at vloggers na nabigong dumalo sa unang pagdinig noong Pebrero 4.
Nagbabala ang House Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information na ang hindi pagsunod sa SCOs ay maaaring humantong sa mas mabibigat na aksyong legal, kabilang ang pagpapalabas ng subpoena at pagsasampa ng contempt charges.
Binigyang-diin ni Laguna Rep. Dan Fernandez, ang overall chair ng Tri-Comm, ang kahalagahan ng pananagot ng digital influencers sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nagpahayag ang Tri-Comm na maaaring magsagawa pa ito ng karagdagang hakbang laban sa mga hindi susunod sa utos nito.
Upang mapalawak ang saklaw ng imbestigasyon, ipinatawag din ng Tri-Comm ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pangunahing social media platforms, mga eksperto sa batas, at mga organisasyon sa midya.
Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na inaasahang magbibigay ng testimonya sina Anti-Money Laundering Council Chairperson Eli Remolona Jr., Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr., Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy, at Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Inimbitahan din ang mga kinatawan ng ByteDance (TikTok), Google Philippines, at Meta (Facebook/Instagram) upang ipaliwanag ang kanilang mga hakbang sa paghawak ng maling impormasyon.
Pinag-aaralan ng Tri-Comm ang mga posibleng hakbang sa pagpapatibay ng digital misinformation policies, kabilang ang mas mahigpit na pananagutan para sa social media influencers, mas epektibong regulasyon sa online content, at mas pinatinding aksyon laban sa mga dayuhang grupong nagpapalaganap ng disimpormasyon.
Muling iginiit ni Fernandez na bahagi ng mas malawak na pagsisikap na palakasin ang digital governance ang ginagawang imbestigasyon.
Sa paparating na pagdinig ay inaasahan na ilalatag ang mga susunod na hakbang ng komite upang labanan ang paglaganap ng maling impormasyon online at pagsilip sa papel ng digital platforms sa pagpapalaganap nito.