-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Itinakda na sa Hunyo 18 ngayong taon ang pagdinig sa Korte Suprema kaugnay ng inihaing petisyon laban sa pagbabawal ng mga provincial buses na pumasok sa EDSA.

Paglaban umano sa interes ng sektor ng transportasyon mula sa mga probinsiya sa Luzon, Visayas at Mindanao, ang nilalayon ng kakatawan sa komite na si AKB Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, hiling nito ang preliminary exemption at temporary restraining order (TRO) sa revocation ng bus permits sa mga provincial bus terminals sa EDSA.

Sa isinagawang pagdinig sa Kamara, pinunto ni Garbin na walang mabigat na basehan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa hakbang na sinasabing ang mga bus na mula probinsiya ang nagdudulot ng traffic congestion.

Dapat din aniya na mas matutukan ang pagpapatupad at disiplina sa mga batas sa kalsada kaysa pag-initan ang mga provincial buses.

Samantala, hindi rin naiwasan ng mambabatas na magpasaring kay Senior Deputy Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na sumasang-ayon umano sa ban lalo na’t nasa Maynila ang mga nasasakupan.