Magsasagawa ng pagdinig ang quad committee ng Kamara de Representantes kahit na naka-recess ang sesyon ng Kongreso upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kongresista na masusing mapag-aralan ang magkakaugnay na isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ilegal na droga, money laundering, at mga extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag Manila 6th district Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., isa co-chairman ng quad committee.
Naka-anim na pagdinig na ang quad committee, kung saan natuklasan ng mga mambabatas, batay sa mga lumabas na impormasyon, ang lawak at mahabang panahon ng pag-iral ng mga ilegal na aktibidad.
Ayon pa kay Abante, na siya ring chairman Committee on Human Rights, kinakailangan pa ng maraming panahon upang lumabas ang lahat ng dapat na matuklasan.
Sa ikaanim na pagdinig ng quad comm, napakinggan ng komite ang mga naging rebelasyon ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.
Sa isang panayam, tinukoy din ni Abante na ang yumaong si dating PNP General na si Camilo Cascolan ang nagligtas sa kapahamakan kay Mabilog, nang babalaan niya ang dating alkalde na huwag bumalik sa Pilipinas dahil nanganganib ang kanyang buhay.
Si Mabilog ay kasama sa narco-list ni dating Pangulong Duterte.
Ang payo ni Cascolan ay kasabay ng panghihikayat ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Mabilog na bumalik sa Pilipinas upang umano’y matulungan ang pagkakasangkot ng dating alkalde sa drug-list.
Dagdag pa ni Abante, na si Cascolan din ang nagsabing pipilitin si Mabilog na iugnay sina dating Senador Mar Roxas at Franklin Drilon sa ilegal na kalakalan ng droga noong panahon ng drug war campaign ni Duterte.
Nakakapang hinayang naman ayon kay Abante na pumanaw na si Cascolan, at hindi na maririnig ang kaniyang panig.
May isa namang mataas na opisyal ng PNP ang binanggit ni Mabilog sa kaniyang testimonya.