Tinapos na ng Quezon City Regional Trial Court ang pagdinig sa multiple murder case laban sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan na dawit sa 2009 Maguindanao massacre.
Batay sa order ni RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na may petsang August 22, nakasaad ang pagsasara ng pagdinig ng korte sa 58 counts ngmurder laban kina dating Datu Unsay, Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr. at halos 100 iba pang akusado.
Ibinasura ng hukom ang hiling ni Ampatuan na mabigyan ng sapat na panahon para makahanap ng bagong abogado sa kanyang kaso.
Ito’y matapos umatras sa paghawak ng kaso nito ang law firm ng kanyang huling abogado na si Atty. Raymond Fortun.
Iginiit ni Reyes ang hindi pagtanggap ni Ampatuan kay Atty. Amando Cura ng Public Attorney’s Office na pinili ng korte para sa kanya.
“Accused’s prayer that he be given at least three months within which to look for a counsel of his choice is hereby denied for lack of merit.”
Taong 2010 nang lumakad ang pagdinig ng korte sa kaso matapos maganap ang malagim na trahediya noong November 2009.
Nasa 58 indibidwal ang namatay kabilang na ang 32 mamamahayag.
Mula sa 197 na suspek, 117 pa lang ang naaresto makalipas ang halos isang dekada.
Apat naman mula rito ang namatay habang nasa kulungan kabilang na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr.